Thursday, August 31, 2006

Mga kwentong nakalipas

Naglalakad ako pauwi nang Makita ko siya. May hawak siyang lata nang beer at dala dala ang kanyang walang kamatayan na Chivas Regal na backpack na bigay sa kanya ng tatay nya. Tiningnan ko siyang mabuti at naaninag ko sa kaniyang mukha na mayroong gumugulo sa kanya kaya inakbayan ko siya.

"Me problema ka?"

"Ha? Wala naman. Inom tayo?"

Ayun. Alam ko na. May problema itong si patricia. Sa tinagal tagal ba naming magkakilala eh nalaman ko na mula sa pintig ng boses nya kung meron siyang iniisip na di maalis sa utak nya.
Tito niya si Tatang, tanda ko pa nung una ko siyang nakilala. Pero di ito ang panahon para ikwento iyon, leche.

"Tara, dun tayo sa suking tindahan Pat."

Nilakad naming kahit malayo ito. Sabi nga lagi ni Tatang sa amin, mas masarap ang maghirap muna bago magtagumpay dahil ito ay ang magbibigay kahulugan sa iyong pagkamit ng tagumpay at ginhawa sa buhay.

"Ate, dalawang red horse nga."

"Uhmmm. Ginhawa nito Kel. Pero lasang softdrinks talaga ito."
"Haha. Dahan-dahan lang ang inom ha, baka mamaya sumobra ka, alam kung problemado ka ngayon." Tinitigan ko sya at sinabi patukso, "Wag kang magalala, kasya naman tayong dalawa sa kama ko eh."

"Eh kung pakain ko kaya sayo sapatos ko??"

Sumimangot siya ngunit maya-maya ay ngumiti na sakin. Malumanay na ang boses nya nung sinabi niya

"Salamat ha, alam mo na pala."

"So, ano problema natin?"

"Naghihirap ako ngayon sa UST, nagkakagaguhan na yung mga kaklase ko. Ay mali, ako pala ginagago nila."

"Bakit daw?" aking tanong sa kanya.

"Ang alam ko, di nila ako gusting kasama kasi daw masyado daw akong kakaiba. Kung anu-ano na daw yung sinasabi ko bigla tapos di ko pa gusto yung gusto nila. Pop culture kasi sila masyado eh poota kahit kelan eh isusuka't isusuka ko yung basurang iyon."

"Tama yan. Inggit rin ako sayo kasi may pagkakataon kang ipaglaban ang paniniwala mo, para ka tuloy bayani. Wag na wag kang makikibagay dahil ang mga taong katulad mo na nagpupumilit na ang mundo ang umayon sa kanila ang batayan ng pagunlad ng mundo."

"Nak 'nang san mo nanaman nabasa yan Kelvin?"

"Wala, naisip ko lang. Basta ang isipin mo, wala silang identity dahil sunud-sunuran lang sila ng isa't isa."

"Kaya nga eh. Pare-pareho silang trip, ewan ko ba kung gusto nilang talaga yung ginagawa nila."

"Mga conformists na kasi ang karamihan ng tao ngayon eh."

Tumigil muna ako sa pagsasalita at lumagok ng alak. Pagkatapos ako'y tumitig sa kanya at sinabi,

"kelangan me lider sila, o yung magbubuhat ng bangko at ilalahay ang sarili niya bilang lider. Ngayon, yung lider nay un, kung ano ang gagawin niya eh dapat yun din ang gagawin nung lahat nung miyembro nung super cool ultimate to the highest level grupo nila?"

"Aahahaha tangina nakakatawa yun ha"

"Wag kang magulo, di pa ako tapos, patapusin mo ko habang lasing pa ko! Alam mo naming tumatalino ako kapag lasing ako"

"Sige kel, banat lang!" sinabayan niya ito ng toast sa beer ko at uminom.

"Well, to continue, yung lider nay un eh ang gagawin dun sa mga ayaw sumunod sa mga ginagawa niya o yung mga nararamdaman niyang di deserving para maging miyembro nila eh binabakstab muna nila, ngayon pag nakahalata na yung taong binakstab nila o nagsawa lang sila, ipagpalagay natin, eh gagawin sa siyang outcast."

"Ay Kelvin, kuhang-kuha mo Dati kasi dahil sa kagaguhan ko, pero first sem first year pa yun, eh nakibarkada ako sa taong di ko gusto dahil pinagtitiisan ko lang talaga sila. Kasi wala pa naman akong masyadong kakilala dun sa mga kaklase ko. Akala ko kasi me pinagkaiba sila at inisip ko pa na malalim silang magisip. Yun pala, dahil gino-glorify nang lipunan ang superficiality kesa sa aktwal na intellectual capacity, eh tinago pala nila yung utak nila sa kung saan at nakalimutan nila kung saan nila tinago. Kasi tanga sila eh."

"Ano ka ba Pat, kelangan mong maintindihan na di lahat ng tao eh kasing talino mo!"

"Woooow! Let's drink to that Kelvin!!!"

"O eto para sa tunay na pagibig!"

"Yaki kadiri ka Kelvin!"

Nanahimik kaming sandali habang dumadaan ang malamig na alak sa aming mga lalamunan. Sandali kong nahuli ang kanyang mga mata at ngumiti nanaman siya sakin.

"Basta pat, ang payo ko sayo, wag kang matakot gawin ang gusto mo. Buhay mo iyan, ikaw ang magsisisi kapag me pinalampas kang pagkakataon."

Tumingin siya sa malayo at nagisip nang malalim. Halos naririnig ko na nga ang pagikot ng mga piyesa sa utak niya, ngunit baka yun yung tunog ng makinilya sa kabilang bahay. Ewan ko lang. Maya-maya ay nagyayaya na siyang umalis.

"Kel salamat ha. Pag kelangan mo ko, tawag ka lang sa bahay."

"Ok lang yun. Andito naman ako palagi para sayo. Kaya lang wala kang maasahang reply sakin sa cellphone kong walang load, diretso ka nalang sa bahay, welcome ka palagi dun."

Sobrang tamis ng kanyang mga ngiti. Di naman siya ganun dati pero nararamdaman ko na ilang beses na nyang balak tapusin ang kaniyang paghihirap sa mundong ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Lagi ko siyang inilalayo sa ideyang ito ngunit di ko rin malaman ang tunay na laman ng damdamin niya. Pareho nga kami, dahil minsan na rin akong nangarap na putulin ang koneksyon ko sa mundong ito. Ang paghihirap.

Walang nakakaintindi sa mga takbo ng ideya sa kaniyang utak. Basta nalang itong lumalabas, pumipirmi at naglalaho. Naiintriga ako sa kanya at sa tingin ko ito ang rason kung bakit patuloy kaming nagsasama at nagkakabuklod.

Mahirap ang buhay naming dalawa. Pareho ngunit magkaibang-magkaiba ang buhay naming dalawa. Sumasalungat kami sa agos ng tadhana na minsan na rin kaming pinagtagpo. Pareho kaming sugatan sa aming pagbangga sa mga batong nakaharang sa aming dadaanan ngunit kami ay di matitinag, winasak naming silang lahat na nakaharang sa aming patutunguhan.

Inaalay ko ito kay Patricia Narciso at sa mga taong katulad naming dalawa. Nawa'y magpatuloy siya, ako at ang mga taong may matibay na paninindigan na ipaglaban ang kanilang mga paniniwala.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home