Yosi, ang mabangis na cirkulo at bulong ng pamamaalam
Kanina, paglabas ko ng UST, deretso ako sa mini stop at bumili ng yosi. Isang kaha. 20s.
Matagal na rin naman akong tumigil manigarilyo, mga ilang buwan na rin. Ngunit dahil exams ngayon at palaging puyat, napilitan akong magsimula muli. Masarap din naming manigarilyo minsan, kahit alam mong papatayin ka nito isang araw at ang pera na pinaghirapan mong kitain ay gagamitin mo lang sa pagsira ng iyong sarili habang ang mga korporasyon ay pinagkakakitaan ang iyong kasiraan (pero wag tayong pumunta sa paksang iyon, mapapalayo tayo kung ganon).
Dati mahilig akong umupo sa garahe ng bahay namin tuwing madaling araw, naninigarilyo at pinapanood ang makapal na pluma ng usok na ibinubuga ko. Palagi kong iniisip na iyon ang mga problema ko at sa simpleng akto na paghinga ay nailalabas ko ang aking mga problema, katabi ang isang baso ng kape at nagiisip ng kung anong sumagi sa isipan ko.
Ngunit kanina, hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na makahanap ng matinong kanto, makapagsindi ng sigarilyo at bumili ng malamig na kape upang makapag pahinga kahit sandali mula sa walang kapagod pagod na pagikot ng buhay ko. Kahit ako nagulat sa pagbalik ng pagiging chain smoker ko kanina. Sunod sunod ang pagsindi ko at bago ko namanlayan, naubos na ang isang kaha ko. Di ko napansin talaga, wala akong takot sa maaring cancer (oo, health conscious na ko, seryoso.) na idudulot nito.
Napilitan akong umakma sa kung ano mang meron sa harapan ko at tanggapin yung mga bagay na hindi ko matanggap, hindi dahil sa ito ang dapat kong gawin - ito lang ang magagawa ko. Wala akong nagawa. Naging isang mabangis na cirkulo ang mga pangyayari, umulit lamang ang mga pagkakamali ko kahit ginawa ko ang lahat maiwasan lang ito. Inisip ko na ito ang aking penitensiya, isang parusa ko sa aking sarili sa aking kapabayaan sa aking pagaaral, sa kaibigan ko, sa mga taong mahal ko at sa aking sarili.
Masyadong ring naging mataas ang tingin ko sa hinaharap. Inisip kong ito ang taon na maliliwanagan na ako at unti unti akong aahon sa libingan na hinukay ko para sa aking sarili apat na taon nang nakararaan. Ang hindi ko alam ay kung gaano kataas ang inakyat ko ay ganun din kabigat ang aking pagbagsak. Hindi nga tuluyang mapapatay ang anino ng nakaraan, kahit gaano mo pilitin na paslangin ang mga ito. Nakatatak na ang aking mga kasalanan, at ang mga kasalanan na ito ay palaging pinapaalala sa akin sa pamamagitan ng pagulit ng nakaraan. Ang mga nangyari na bunga ng aking mga pagkakamali dati ay nangyayari ulit, maski ano mang pagasa na aking itinatanim sa aking puso. Wala akong magawa. Wala akong nagawa. At iyon ang pinakamasakit sa lahat.
Wala nang mas sasakit pa sa pagkaalam ng sarili mong pagbagsak at sa kaalaman ng iyong kapalaran. Lalo na kung ang buhay mo ay literal na tumatakbo sa harap ng iyong mga mata at wala kang magawa, wala kang lakas upang hawakan ang mga pangyayari at iayon ito sa iyong kagustuhan. Kahit anong pilit mo, kahit gaano katibay ang paninindigan mo sa iyong mga desisyon, doon at doon din pumupunta ang resulta ng iyong mga desisyon. Kaya apat na taon na ang nakararaan, di ko pa rin makita ang tunay na pakiramdam ng pagiging buhay.
Ayoko na, pagod na ako sa buhay na ito. Kung me kabilang buhay o meron pang isang buhay sa kabila ng realidad na ito, patayin mo na ako, gusto ko nang lumipat sa mundong iyon. Tapos na ako sa buhay na ito. Tapos na.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home